Sana’y Dumating Ka sa aking Kaarawan
January 10, 2009 by Juan SP Hidalgo, Jr. filed under Short Story | 1,231 views(UMAYKANTO KOMA ITI KASANGAYKO)
.
Salin mula sa Iloko ni Elizabeth D. Alviar
.
Included in Kamalayang Kristo sa mga Kuwento ni Juan S.P. Hidalgo, Jr. (Christ Consciousness in the Stories of Juan S.P. Hidalgo, Jr.), Undergraduate thesis of Elizabeth D. Alviar in Pilipino 199 under Prof. Rogelio R. Sicat, University of the Philippines, Diliman, Quezon City, 1975.
PARANG dilim noong unang panahon ang namulatan ni Istong sa kuweba. Kumurap-kurap siya, dinadama ang nakawiwiling tibok ng buhay sa kanyang katawan na parang bagong silang. Binalot siya ng singaw ng di-mapanganib na kuweba. At ginalaw muna ang kalingkingan bago ang lahat ng mga daliri saka lahat na ng kanyang masel. Ikiniling ang ulo sa kaliwa. Ngunit parang naidlip siya nang mahimbing pagkat sa kanyang paghinga’y nakaramdam siya ng pagkauhaw. Naalala niya ang bukal na parang sugat sa hugis-pusong bato sa tuktok ng kuweba. Kinapa niya ang nakakalubang gulok sa kanyang tabi at bumangon.
Hindi na kailangang magpagabay siya sa mga bato pagkat ang kuwebang ito ang maydulot sa kanya ng namalayan niyang daigdig noong matagpuan siya ni Tata Boni na umiiyak at nangangapa sa dilim, noong kaguluhan ng panahon; na kanyang binalikan noong binata na siya upang hanapin ang sarili niyang talino; na halos walang ibang nilikhang yumapak maliban sa mga nagtapon at nag-ahon sa kanya dito; nilinis at ginawa niya itong pahingaan kung maabutan siya ng dilim sa kanyang pagbaba sa kabayanan o kung aakyat siyang magkaingin at mangaso.
Habang isinusikbit ang gulok sa kanyang baywang, naalaala niya ang usang regalo ni Tata Boni sa kanya para sa kaarawan niya ngayon: kaarawang ibinatay sa araw nang matagpuan siya si Tata Boni mula sa kuweba at araw ng pagtanggap sa kanya ng mga Sanchez sa bayan; isang maling kaarawan pagkat matagal na siyang ipinanganak noong ibigay siya sa kapatagang nagpasiya ng kaarawan niya. Napangiti si Istong: walang nakakaalam sa wastong araw na aking kapanganakan sa kalendaryo ng buong daigdig, sabi niya. Ngunit kailangan namang ipagdiwang ito at ang handog na galing sa puso ang pinakamahalaga. “Ikaw ang aking anak,” sabi ni Tata Boni noong iabot niya ang usa. “Ito pa lamang ang pinakadakilang handog ko sa tao.” Para kay Istong, ito ang pinakamagandang usang nakita niya. At sa kanyang pagtanggap na may pasasalamat: Ama! Naisip din niyang ibigay ang usa sa mga Sanchez bilang pasasalamat sa ginawa nilang pag-aruga sa kanya.
Iniluwa siya ng kadiliman. Biglang umagit-it ang nakasarang pintuang kawayan. Parang nakakita ang usa ng bagay na nakakatakot at nagpumiglas. Hinuhuli-huli ng liwanag-sa-umaga sa giwang ng pinto ang kulay-abo at masigla nitong katawan. At nakatayo siyang nanood sa paghahanap ng usa ng matatakbuhan. Nang lumaon, huminto sa kaliwang sulok ng dingding at pinto, buong pagmamalaking naghanda, at pinakiramdaman niya ang mabikas at matangkad na binata sa harapan niya. Nagtinginan sila.
“Ang pinakadakilang handog!” naibulalas ni Istong. Punung-puno ang kanyang dibdib ng galak at pagmamalaki. “Babae pa naman. Dadami talaga.” Hinawakan niya ang pantali sa usa at lumapit. Gustong layuan ng usa ngunit napakalakas ang mga bisig na humila sa kanya. “Ikaw pa lamang ang pinakamailap na regalong tanggap ko.” Tumawa ang binata saka hinimas ang nguso ng usa. “Pero masasanay ka rin sa akin.”
Tumayo at binuksan ang pintuan ng kuweba. Nabuhos na sa kanila ang sinag ng umaga. Nilulon ng parang ulap pa lamang na hanging gubat ang nakulong na singaw sa loob. Lalong gumaan ang pakiramdam ng binata.
Naibiat ang usa sa nabuksang pinto. Ngunit nakita agad ni Istong at sinalo ng kanyang kamao ang hayup at ibinalibag. At bago nakabangon ang usa, naabot na niya ang dalawang putol na tali sa pintuan at kanyang pinungo ang tumatadyak na paa nito.
Tumindi ang kanyang pagkauhaw. Inayos ang kanyang buhok at tumayo. Lumabas sa kuweba. Bumaba sa may bunganga ng kuweba, kumanan at inakyat ang pinagmumulan ng bukal na kinalong ng malaking puno sa tapat ng kuweba. Sinabunot niya ang mga pan-aw sa kanyang pag-akyat. Mayamaya’y nakarating na siya sa umaagos na tubig na parang basikaw na bumababa sa nunal-nunalang bato. Nabigla siya nang makitang nagkukulay rosas ang tubig at nang tinignan niyang mabuti ang nangingitim at namumulang bilog-bilog na tinatangay ng agos, nagbahay palang dugo ang mga ito. Tiyak na may nasaktang bagay na napatapat sa agos.
Sinundan ni Istong ang pinagmulan ng bukal. Tinawid niya ang malaking butas sa pagitan ng kambal na burol na tinubuan ng malaking puno. Huminto siya nang makita ang sawa na parang binti at nakapulupot ang isang kapat ng katawan sa maitim na sanga na para bang hindi siya makapapayag na mahulog sa lupa; parang sinturong nakaluyloy. Isang malalim na sugat ang kamuntik nang nagpahiwalay sa ulo at katawan. Mula sa sugat, parang tibok ang tulo ng naiwang dugo ng kanyang buhay sa agos sa tapat nito, dalawang dangkal lamang mula sa bukal. Ang kulay ng sawa ang nakatawag-pansin sa binata: kumikislap sa araw. Ngunit pinamaga ng natuyong dugo at ng nakakaawang ayos ng pagkamaringal sana niyang nilikha. Hindi pa patay, alam ng binata, napakalaki at nakakatakot at kumikislap. Dapat niya itong alisin bago manghina, bago madumhan ang kalinisan ng bukal at ganda ng paligid.
Gumawa siya ng mahabang silo ng baging, idinugtong sa mahabang buho at saka sinilo ang ulo ng ahas. Nang hilahin niya ang silo, lumuwag ang sugat, parang maihiwalay na ang ulo sa katawan at dumaloy ang sariwang dugo na gumapang sa silo. Bago makarating ang dugo sa kamay ni Istong, nakalag na ang nakapulupot na katawan ng ahas sa sanga at namilipit pa ring ipinalo sa lupa. Noon lang niya nakitang mabuti ang lupit ng pagkasugat sa kanya: tiyak na matalas ang gulok at malakas ang kamay na tumaga.
Itinawid niya ang ahas sa bukal at uminom. Yumukod na parang sanggol sa dibdib ng ina. Nakakabuhay sa lupasay na niyang katawan ang tubig at lumuwag ang dibdib niya: parang nanggaling sa pag-ibig ng Lumikha, at sa kanyang pagkabusog, gumaan ang pakiramdam niya. Tumayo. Pumutol ng dalawang dangkal na buho at pinuno ng tubig. Para sa kanilang dalawa ng usa sa kanilang pagbaba.
Naalala niya ang butas na tinawid niya kanina na parang kalabaw ang luwag. Dinungaw na niya noon ang lansad nito noong napatapat ang araw sa bunganga nito. Napakalalim. Naghulog siya ng malaking bato ngunit hindi niya narinig ang pagbagsak nito sa lansad. Kung ilang buhol ng tali ang iniluyloy niya dito. Sinubukan pa niyang maghulog ng dinamitang napakahaba ng mitsa at matagal bago niya nakita ang parang sinindihang palito at magaang bog! Hindi makapaniwala. At noong makita niya si Tata Boni, naungkat niya ang tungkol sa balon. “Para sa mga tulisan iyan,” sabi ng matanda. “Marami nang masasama ang nadupilas diyan.” Oo, ihuhulog niya ang ahas diyan. At hinila niya ang silo: nahawi ang mga damo at pan-aw. Parang pilak ang tuwid na paggapang ng ahas: talagang kabaligtaran ng hugis-matris na ilog sa paanan ng bundok na sa sandaling iyon ay inilantad na ng angep.
PAGDATING niya sa kaliwang tuhod ng bundok, natatanaw na ang kabayanan. Parang mapuputing bisil ang mga de-yerong bahay, at parang bulaklak ang simbahan na nag-angat ng sariling korona sa tuktok ng mga kahoy at gusali, nakaharap sa tinatayuan niyang bundok. Malapit sa simbahan ang bahay nila. Mula sa kaliwa at kanang tuhod ng bundok, dalawang ilog ang nagsalubong sa bayan na parang tagdang ng tirador na sumulpot sa kanluran ng bayan, pababa hanggang sa hugis-silyasing lawa na parang kumikinang na laway ng pusit.
Ibinaba niya ang usa sa damuhan, umupo at tinungga ang buho ng tubig. Naginhawaan. Malakas ang hanging gumulo sa kanyang buhok. Nginanga niya ang nguso ng usa at binuhusan ng malamig na tubig. Pagkatapos, sinarhan din niya ang buho at ibinalik sa pagkatali. Tumayong sumulyap sa pinanggalingan niya: ang kuweba’y para nang nasarhang kamao. Nagpatuloy sa banayad niyang pagbaba sa libis. Tumingala: ah, parang pilak na ang mga pan-aw sa pagkaputong ng araw sa tuktok ng bundok. Sa lampas ng kanang hita ng bundok, patuloy pa rin ang pagtaas ng usok, walang tigil, di na maalala ni Istong kung kailan pa nagsimula, pagkat mula noong magkamalay siya’y lagi nang may nasusunog doon. Noong muling lingonin niya ang ulo ng bundok, may tatlong dangkal na ang itinaas ng araw at talagang napakaliwanag sa bughaw na langit, ibang-iba sa kanluran na parang namantsahang dingding na tabla, o sa hilagang parang uulan.
Pinagmasdan niya ang bayang dadatnan niya: ang sanlibutang kanyang iniibig at pinag-ukulan din ng pag-ibig ni Tata Boni bagamat bihira na siyang bumaba ngayon upang kausapin ang ibinubukod niyang nilalang, o kaya’y ipinadadala na lamang niya kay Istong ang gusto niyang ipaabot sa kanila; ang daigdig na binubuhay ng dalawang ilog upang sila’y umunlad sa kabutihan at kasamaan.
SA mga nakakita sa kakaibang ganda ng usa, pinuri at pinalibutan at hinimas-himas nila ito, pagkat ito pa lamang ang pinakamagandang nakita nila, at ang unang buhay na ibinaba ng mangangaso, samantalang parang pinagselosan naman ng mga asong nakaamoy at nakakita sa kanya at sinalubong nila ng tahol at ungol.
“Bigay ni Tata Boni,” Ipinagmalaki ni Istong sa mga magulang niya, “pero. Ibibigay ko rin sa inyo sa araw na ito.”
“Mapagmahal ang matandang iyon,” sabi naman ang tatang niya samantalang hinihimas-himas niya ang leeg ng usa. “Huwag mo sana siyang kalilimutan.”
“Hindi rin kaya niya ako makakalimutan?” Ngumiti si Istong.
Nagkasalubong ang tingin nilang mag-ina. “Malapit na tayong mananghalian. Maligo ka muna bago tayo mananghalian. Darating siguro ang mga kamag-anak mong dadalo sa iyong kaarawan.”
“Ano bang handa ninyo?” Nagniningning ang mga mata ni Istong.
“Tatlong inahin, dalawang kahon ng serbesa at minatamis. Ito pa lamang ang kaarawan mong grande.” Ngumiti ang nanang niya.
Nagsuot si Istong ng puting banlon at nangingitim nang asul na pantalon. Siya ang nasa kabesera ng hapag-kainan. Maliban sa mga magulang niya ay nakaharap din ang labindalawang kamag-anak na nakisalo. Labis silang nasarapan sa prito at tinulang manok. Pati ang pawis nila ay gabutil at tawanan sila nang tawanan sa paggunita ng mga karanasan nila sa nakalipas na taon. Mula sa isang sulok ng laem maganda ang tugtog ng radyo. Nang biglang sumabog ang kantang Happy Birthday To You.
Huminto silang kumain. Parang noon lamang sila nagising sa masarap na pananghalian. At hiyang-hiya silang sumulyap kay Istong na nakangiti sa kanila.
“Palitan mo ang istasyon, Temiong,” sabi ni Istong sa pinakabatang kamag-anak niya. “Walang silbi ang kantang iyan. Alam ba naman ang kumanta na kaarawan ko ngayon?”
“Oo nga naman,” dugtong ni Tata Pedring. “Di man natin siya kinantahan. Nakakahiya kayo. Kumain lang kasi ang alam ninyo. O, malapit nang maubos!”
Nagtawanan sila. “Sige, para naman hindi malugi si Mister Istong,” sabi ni Lucila na ngumunguya pa. “Tayong lahat!”
At kumanta sila:
“Happy birthday to you
Happy birthday to you
Happy birthday, dear Istong
Happy birthday to you!”
“Mahina!” Puna ni Tata Ibong. “Para naman kayong hindi kumain. Isa pa!”
“Yong punung-puno ng damdamin. Itodo ninyo!” sabi naman ni Paniong. “Diables, hanggang ngayon di pa ninyo alam kantahin iyan? Kaedad ni Adan!”
“Sige na, isa pa. O, malamig na ang mga ito!”
Tumawa si Istong nang halos mabinat ang mga ugat ang mga kumanta: dinidibdib nila, taos-puso at dinarama ang bawat kataga ng kanta nila: makikita niya sa mga mata nila ang kagalakan nila at katapatan sa kanya, siya na tinanggap na nilang bahagi ng kanilang dugo at kinabukasan. Umapaw ang kaligayahan ni Istong: hindi masamang ipagdiwang ang aking kaarawan taun-taon kahit ito lamang ang panahong nagsamsama sila sa iisang bubong sa iisang puso, nasabi niya. Anyayahan niya silang lahat upang ipagdiwang ang pagdating niya sa bayang ito. At nang matapos ang kanta, palakpakan sila.
“Ganyan,” nasiyahan si Tata Pedring. “‘No, Istong, ayaw mo pa ba niyon?”
Tawanan silang lahat. Nagpasalamat si Istong sa kanta nila.
“Ngayon, balikan natin ang mga manok,” pinaalala ni Ponso. “Wala na yata, a?”
“Naku, marami pa!” Tumawa ang tatang ni Istong. “Sige lang!”
Muli na namang sumulpot ang ga-butil nilang pawis.
“Ilang taon ka na, Istong?” biglang tanong ni Larry.
“Edad ko?” sabi ni Istong na napangiti at kinindatan ang mga kaharap. “Malayong mas matanda ako ngayon ngunit bata ako lagi.” Tumawa.
Ngumiti ang nanang niya at nagkatinginan silang mag-ina.
“Magaling kang sumagot,” sabi naman ni Nana Kuanang. “Kasing sarap nitong atay ng manok.” Nagtawanan sila.”Sino ang susunod na magbertdey?” Walang sumagot.
Binulongan ni Istong si Iking na nasa kaliwa. “Dalawin natin si Padre Rosales mamayang gabi, payag ka?”
“Anong oras?”
“Alas siyete.”
“Sige, dadaanan kita.”
HANGA si Istong sa tiyaga ni Padre Rosales na linawin sa kanya ang laman ng Bibliya. Kung ilang taon na nilang pinag-uusapan ang librong ito at ang koneksiyon nito sa buhay ng tao.
May mga salita ang pari na katulad ng hula, na para bang karugtong ng mga ikinukuwento rin ni Tata Boni sa kanya sa mga maulap na kaingin sa bundok. Madalas tanungin ng pari kung bakit di siya nagsisimba tuwing Linggo. Iisa rin ang sagot ng binata: Magpapahinga ako sa ikapitong araw. Sapat nang isipin ko ang Ama natin. At nakangiting idinugtong: Ako rin po ang aking relihiyon.
Naglalakad na sila ni Iking sa aspaltadong kalsada nang gabing iyon. Malamig ang gabi at magaan ang kanilang pakiramdam papunta sa simbahan na may dalawampung minutong lalakarin.
“Maniwala ka lang sa Kanya at huwag mong hindi susundin ang Kanyang utos, hindi ka Niya pababayaan,” sabi ni Istong kay Iking. “Kung bakit mas gusto ng taong magkasala para masiyahan. Sino ang may gusto ng impiyerno?”
Ngumiti si Iking. “Ang kanan, siyang masama at ang kaliwa, siyang mabuti,” sabi niya. “Madalas ang kanan ang sinusunod natin upang mabuhay.”
“Tama ‘yan. Alam din iyan ng Diyos. Pero kahit patay na ang kanang parte ng katawan, buhay pa rin ang kaliwa. May pagkakataon pang iligtas ng tao ang kanyang sarili. Hindi mo ba alam, Iking, na ang Lumika ay hindi na nakikipag-usap sa tao tulad noong una? Sapat nang malaman mong nasa tabi mo Siya.”
Sa dilim sa pagitan ng naaabot ng liwanag ng ilaw sa mga poste, bigla na lang silang nakarinig ng mahinang sutsot. Huminto sila. Hinarang sila ng apat na lalaking parang sanggano at may dalang baril. Agad naramdaman ng magpinsan ang masamang balak ng mga lalaki sa kanila. Balita pa namang nagkalat ang mga tulisan. Sila na siguro ito.
“Lumapit kayo dito, dali!”
“Takbo na tayo,” bulong ni Iking.
“Huwag,” sabi ni Istong. “Matatamaan tayo sa ganyang kalapit nila.”
“Aba, ayaw ninyong lumapit? Babarilin namin kayo!” muling sabi ng matangkad na lalaki at tinutukan si Istong.
“Tena…hindi naman siguro tayong gagalawin,” sabi ni Istong sa nanginginig niyang pinsan.
Tagos sa dilim ang talim ng mga mata ng apat na lalaki. Parang marumi’t magaspang na batong bundok ang mga mukha nila. Matipuno at para silang burangen.
“Kapkapan ninyo baka may dala sila,” utos ng matangkad na lalaki.”Wala? Kunin ninyo na sila.”
Bagamat tutol humakbang ang kanyang mga paa, naisip ni Istong na hindi ito ang panahong lumaban. Nababalitaan niya ang lupit ng mga tulisang ito. Sila ang kasangkapan ni Kamatayan na gumagala sa dilim at ilang na pook, na kakambal ng kasamaan na kasinggulang ng itinapon noong una. Ayaw niyang mamatay o idamay si Iking sa kawalang-palad niya kung sakaling ipagtanggol niya ang kanyang pagkalalaki. Marami pa siyang gustong gawin. At hindi ang mga nilikhang ito ang hahatol sa buhay niya.
Inilayo sila ng mga tulisan sa kalsada, tinunton ang kakilingan na susulpot sa talahibang bahagi ng ilog. Tahimik sila. Nang lumaon, tinatalunton na nila ang pampang ng ilog. Hindi mahulaan ni Istong kung saan sila dadalhin ng mga tulisan. Kung magpasurong sila, hindi magkakamaling makita sila ng mga namimingwit. Nang biglang sumipol na parang ibon ang lalaking matangkad. Nasagot ito mula sa di kalayuang talahiban. Binilisan nila ang paglakad. Unang nakita ni Istong ang tatlong balsang nakahilira sa pampang, may laman ang dalawa, bakante ang ikatlo. Sampung lalaking armado ang lumabas sa talahiban.
Sinalubong sila ng mabikas at matangkad na lalaki. Mas maaskad pa siya kaysa sa apat na lalaki, nanlilisik ang mga mata niya, nandidilim ang balbas sa mukha niya — tulad ng nagbahay na dugo sa ulo ng ahas — bagamat kasing lakas ng matitipunong burol, makapangyarihan ang titig niya. Walang kaibhan sa mga inukit na dinidiyos noong unang panahon. May hawak siyang riple at nakasukbit ang pistola, at sa kanyang kaliwang balikat, nakasakbit ang supot na balat. Alam na ni Istong na ito ang pangulo ng mga tulisan.
“Ilan sila?”
“Dadalawa, Along, pero matipuno sila,” sagot ng matangkad na lalaki.
Nagsalubong ang mga mata nina Istong at Along. Tagos sa mata ang sanay na’t makapangyarihang mata ng tulisan.
Nilingon ni Along ang tatlong tulisan na nagkakarga ng baul sa walang lamang balsa. Pinasan niya ang baril at kinipkip ang supot na balat. Inihanda na ng iba pang tulisan ang dalawang balsa. Napansin ni Istong ang isang lalaking paa-paa, walang armas at timitikin sa isang balsa.
“Tena,” sabi ni Along. “Dito kayong dalawa,” sabi niya kina Istong at Iking. “Tikinan ninyo itong balsa.” Kasunod siya sa matangkad na lalaking sumakay sa balsa. Itinulak ni Iking ang balsa at pinagdalawahan nila ni Istong na igitna sa ilog.
Nagtaka si Istong dahil kulang na lang lumubog ang balsa nila samantalang aapat ang sakay. Natuon sa baul ang kanyang tingin. Nilingon niya ang matangkad na lalaking nakatayo sa tabi niya: siya ang tinitignan.
Nang biglang sumigaw si Along: “Bilisan natin at inaagos na tayo!”
Nang makatawid sila, ang bilis-bilis ng mga tulisang kumilos; nagsipasan ng kanilang karga.
“Dalian ninyo’t gabi na,” sabi ni Along. “Polding, Celong, barilin ninyo ang tatlo kung tumakas sila,” utos niya.
“Ang baul ang sa iyo, ikaw,” sabi ng matangkad na lalaki kay Istong. “Mas malaki ka.”
Umingit si Istong nang buhatin niya ang baul. Nakarinig siya ng kalingking ng pilak mula sa baul.
Dinala niya sa dalampasigan ang baul. Bumaon ang kanyang talampakan sa basang lupa, nadurog ang mga patay na batong naapakan niya. Tinitignan siya ni Along na nakatayo na sa isang bato.
“Tignan mong mabuti at baka mabitiwan niya,” sabi ni Along sa matangkad na lalaki. “Sundan mo para hindi tayo kakapa-kapa sa dilim.”
“Nakasusi!”
“Kahit na!”
Sunud-sunod nilang tinalunton ang talahiban. Patungo na sila sa bundok. Sinusundan ni Iking ang ikatlong lalaking hindi mamukhaan ni Istong. Si Along ang sinusundan ni Istong at sa kanyang likuran, laging naroroon ang matangkad na lalaki na handang tumulong sakali mang mabitiwan niya ang baul.
Pumagaspas ang hangin sa nakalulunod na talahiban. Sumikat na ang buwan. Pataas pa rin ang lupa at bumibigat din ang baul na para nang bakal na humuhukay sa balikat ni Istong.
Humihingal siya. Parang may nagbabara sa lalamunan niya kung lumunok. Humihiyaw ang kanyang laman at nais kumalas sa kabigatan. Nang bigla na lamang tumiklop ang mga tuhod niya at nadapa sa lupa. Nadaganan ang kanyang kamay. Napaungol siya.
Dali-daling nilapitan ng matangkad na lalaki at napahindik siya nang buhatin niya ang baul upang maalis ni Istong ang nadaganang kamay. Huminto ang grupo.
“Gago!” Parang baga ang mga mata ni Along na namaywang kay Istong. “‘Kaliwanag ng buwan, di mo tinitignan ang — o!”
Sinalo ng matangkad na lalaki ang susuntok nang kamay ni Istong at ibinalibag ang mangangaso sa lupa. Namilipit si Istong at hindi kaagad nakabangon.
Itinutok ni Along ang kanyang baril kay Istong upang tapusin ngunit pinigil ng matangkad na lalaki.
“Kung papatayin mo, tsip, hindi natin maiakyat ang baul na iyan,” sabi niya.
Idinura ni Along ang galit niya. Ibinaba rin ang baril.
Tumayo si Istong at nagpatagalan sila ng tingin. “Huwag mong sabihing takot ako sa iyo,” sabi niya.
Pinikpik lang ni Along ang kanyang baril. Sa halip, “Tayo na!” sabi niya. “Tulungan mo siyang magbuhat, ikaw!” sabi niya kay Iking.
Saka lang napansin ni Istong ang sugat sa kamay nang masahien niya. Ipinunas ang dugo sa kanyang pantalon. Lumapit si Iking upang tulungan siyang buhatin ang baul. Putlang-putla si Iking. Nakahalata na kaya siya? Maliwanag ang takot sa kayang mga mata. Pero siya?
Napaghulo na niya ang parang walang silbi niyang katapusan: dahil kasingbigat ng sanlibutan ang dala niyang baul, at para sa kanya’y sapat nang papatay sa kanya bago makarating sa lugar na pupuntahan nila.
Isang malungkot na tinig ng nawawalang ibon ang bumulabog ng kalangitan. Patuloy pa rin ang mabigat na danapeg ng pumasan ng baul, pasuray-suray, humihingal: na sa ibaba ng mga dahon ng pan-aw, hinubog ng buwan ang pumalangit na hugis niya, nag-iisa sa karamihan, sa nakalulunod na katahimikan ng kalawakan.
Parang ginagatungan ang apoy na nasa kaharap nilang bundok, parang ginagapangan ng ahas ang usok nitong pumapaitaas sa liwanag ng buwan. Parang iyan ang gabay ng mga tulisan: hindi lumalayo sa tapat niya. Nakita na niya ang bundok na iyon, minsang nangaso siya. Napakalaki ang apoy na kumakain sa mga gubat pasilangan at pakanluran: hindi na mapatay. At parang kalansay ang mga kahoy na tira ng sunog, walang kaibhan sa mga nagmamakaawang isinumpa ng langit.
Tinignan niya ang nakaupong bundok na pinanggalingan niya kaninang umaga: napakatangig at napakawasnay ang mga balikat niya. Parang hukom na humatol at nanonood ng kapalaran niya.
Napatiim-bagang na napapikit si Istong nang muntik na siyang madapa. Parang abot hanggang sa baga niya ang bigat ng baul na bumaon na sa laman ng kanyang balikat. Sa linaw ng kanyang isipan, naghihimagsik sa ganitong pagpaparusa sa kanya. Bakit siya pa ang napiling mag-akyat ng baul na ito? Kalupitan at kabuktotan ang baul na ito: isang nahulmang gawa ng kasamaan na nagsabaul at pilak. Sa isip niya’y nagpakita ang mga pangyayaring unti-unting pumuno sa baul.
Nadapa na naman.
“Tubig….”
“Bakit na naman?” magaspang pa rin ang boses ni Along. Namaywang siya kay Istong na humihilot sa lalamunan niya.
“Nanghina siya, tsip,” sagot ng matangkad na lalaki. “Mabigat naman kasi.” Binuksan niya ang nakabotelyang tubig. Uminom muna bago iniabot kay Istong. Uminom si Istong. Ibinalik ang botelya at nagpasalamat.
“Dalian ninyo,” sabi na naman ni Along. “Mataas na ang buwan. Paghumilig niya’y tapos na ang aking kaarawan.”
Sumulyap sina Istong at Iking kay Along: kaarawan din niya ngayon? sabi nila.
PARANG ngipin ang mga bato at masikip ang daang aakyatin nila. Hindi siya matulungan ng matangkad na lalaki. Kung ilang beses na siyang nadapa. Punit-punit na ang damit at pantalon niya. Tadtad ang katawan niya sa hapdi. Sa huling pagkadapa niya’y nasugatan ang kanyang ulo at dumaloy ang dugo sa mukha, leeg at balikat niya. Nahilo siya. Napasubsob. Agad sinalo ng matangkad na lalaki ang baul na dumagan sa kanya. Pagdilat niya’y parang maputla ang buwan. Binatak ni Iking saka binendahan ang kanyang ulo. Habol ang hiningang sumandal sa bato. Tinitignan niya ang baul: sapat nang papatay ito sa kanya kung iaakyat pa rin niya! Saan sila hahantong?
“Kaya mo pa?” tinanong ni Iking.
“Magpapahinga muna ako sandali,” sagot ni Istong. Iniabot uli ng matangkad na lalaki ang botelya ng tubig. Nagtitigan sila. “Huwag mo sanang ikagalit,” sabi ni Istong, “puwede bang malaman ang pangalan mo?”
“Samuel,” sabi ng matangkad na lalaki.
“Salamat uli, Samuel,” sabi ni Istong pagkainom niya at isinauli ang botelya ng tubig.
“Sige, tena,” sabi ni Along na nagmamadali.
Nanginig ang laman ni Istong nang pasanin niya ang baul. Kumalansing na naman ang laman nito. Kumapa-kapa siya ng mahahawakan niya. Naghalo ang kanyang pawis at dugo at parang may asin ang mga sugat niya. Sinuri niya ang kanyang sarili: nasa isip niya ang kapangyarihan niyang nilalang, mahirap magapi. Naunawaan na niya ngayon ang ahas na tutol magpatihulog sa lupa upang ubusin ng mga uod.
Naririnig na niya ang napakalakas na dagundong ng talon, na karugtong ng ikalawang sanga ng ilog. Sa ibayo ng talon, napakalaki na ang apoy sa nasusunog na bundok. Patungo pa rin doon ang tinatalunton nilang landas.
Patag na ang lupa. Nakahinga nang kaunti si Istong. Kung sana’y ganito na lang hanggang sa pupuntahan nila’y makakaya pa niya. Tinaraigid nila ang bundok. Nakikita na niya ang umuusok na malaking talon. Malapit na sila sa ilog. Parang ang lapit-lapit ang buwan at parang katulad na rin ang araw ng liwanag nito. Sumuot sila sa maliit na kahuyan at paglabas nila sa kakapalan, nakikita na niya ang malinaw na ilog. Biglang lumamig ang hanging-gubat.
“Dito na,” sabi ni Along. Inilagay ang kanyang supot sa malaking bato sa tabi ng ilog. “Celo, tignan mo kung nariyan pa ang mga balsa. Baka natangay na ng agos. Polding, magsiga ka. Sige, mga kaibigan, simulan na natin ang pagsasaya.”
Inilapag ni Istong ang baul sa makinis na bato. Pagkatapos, uhaw na uhaw na yumukod sa tabi ng tubig at nagpakabusog sa pag-inom. Parang kasing lamig, kasing sarap at kasing linis ng bukal. At nakalag ang lahat ng bigat sa dibdib niya. Umupo sa batuhan at pumikit.
Lumuwag ang mga masel niya at pinabayaan niyang lusubin siya ng mga sakit ng sugat niya.
Lumapit si Iking sa tabi niya. “Baka hindi na tayo pababain,” bulong niya.
“Kilala mo?” ang tanong niya sa halip pagkat siya ang tinitignan ng pangatlong lalaki.
“Hindi.”
“Hoy, ikaw,” sabi ni Samuel sa pangatlong lalaki. “Umupo ka diyan.” Itinuro ang lugar nina Istong. “Walang magsasalita.”
Hindi pa nakaupo ang pangatlong lalaki sa tabi ni Iking nang biglang kumulog ang malakas na boses ni Along:
“Ha! Ako ang hari sa bundok na ito! Ako! Ako!” At humalakhak ng malakas. Tumalsik ang laman ng ungot niya. Itinungga niya ang ungot saka binaligtad nang ibinaba niya ito. Wala nang laman. “Hindi ito kasya!” Hinagis ang ungot sa ilog. Palundag-lundag ang ungot sa tubig bago tinangay ng agos. “Akina yong isang prasko, Samuel. Sige, mga kasama, magsawa kayo. Padaluyin ninyo ang alak. Magpakabusog kayo. Ito ang magpapayaman sa kaluluwa.”
“Talaga!” sabi naman ng mga tulisan.
Mula sa dalawang sako, naibuhos ang mga nilitsong baboy at manok. Inilapag ang mga ito sa mga dahon ng saging na kinuha ng isang tulisan sa malapit sa ilog. Nag-unahan silang nangilgat sa litson at inilapit sa apoy upang uminit. Nailabas din ang maraming nakapraskong alak.
“Bakit di mo imbitahin ‘yang tatlo, tsip?” sabi ni Samuel. “Sila lang ang bisita sa kaarawan mong ito.”
“Oo nga pala, ba’t hindi? Hoy, lumapit kayo dito!” Kumaway si Along kina Istong.
Lumapit sina Istong at inabutan sila ng litson at alak. Talagang gutom na sila.
“Bakit hindi natin kantahan si tsip?” sabi ni Celong. “Anong tawag na nila sa kinakanta nila sa Ingles?”
“Gago! Happy birthday ‘yon. Sige, kantahin ninyo. Alam ba ninyo?”
Lima ang hindi sumagot. Ngumisi si Along. Hinagis sa batuhan ang praskong wala nang laman. Nabasag ang bote.
“Kayo!” Itinuro sina Istong na nakaupo na sa dating lugar. Naubos na nila ang karne at alak na bigay sa kanila. “Alam ninyong kantahin?”
Tumango sila. Ngumiti si Along. “Sige, kantahan ninyo ako!”
Kumanta sina Istong at ang mga tulisan.
“Ilakas pa ninyo!” dabog ni Along.
Nilakasan nila ang pagkanta. Nagkandaugat ang mga leeg nila:
” …Happy birthday…
Happy birthday…
Happy birthday to you!”
Nagtawanan sila pagkatapos. Nagpaputok ng baril si Samuel sa ilog ng tatlong beses.
“Binabati kita, Apo Along, sa iyong kaarawan!” Tinapik-tapik ni Along ang kaliwang balikat niya. “Sige, mga kasama, ituloy ninyo ang selebrasyon!”
Hindi na nabigyan ng makain at mainom ang tatlo. Walang imik sa pagkakaupo nila.
Patuloy ang maingay na pagsasayaw ng mga tulisan. Nagsasayawan pa silang paikut-ikot sa malaking apoy. Walang kaibhan sa mga nagwawala. Tumitili silang parang hayup.
“Polding,” sabi ni Along pagkatapos punasan ang nguso nito, “ipakarga mo na sa tatlo ang mga itatawid natin.” Tumingala. Ngumisi. Dumura sa batuhan. “Tumagilid na ang buwan.” Kinuha niya ang supot sa ibabaw ng bato. Sinilip niya ang loob ng supot.
“Huwag na lang sana ‘yong malaki, tsip,” sabi ni Samuel. “Yong pinakamatangkad.”
“Pagkatapos niya akong sugurin? Gago ka, Samuel. Ayaw mo bang laging masuwerte? Ayaw mo bang mabuhay na parang diyos sa daigdig?”
“Pero di natin mauubos ‘yong isang baul, tsip.”
“Mauubos ‘yan. At mapupuno ulit. Kailangan nitong anting-anting ko ang dugo nila.”
Inilagay ni Istong ang baul sa balsa. Binalingan niya ang dalawang tulisan. Nakahanda sila. Tinignan niya si Iking na naglalagay din ng dala niya sa isa pang balsa.
Nang bigla silang tinawag ni Along. Lumapit sila sa pangulo ng mga tulisan. “Kayong tatlo, tumayo kayo diyan sa tabi,” utos niya. “Magtabi-tabi kayo….Ganyan. Samuel, talian mo ang mga paa nila. Dali!”
Nagtinginan sina Istong, Iking at ang pangatlong lalaki. Alam na nila ang mangyayari. Ito na ang kinatatakutan nila. At nakita nila si Samuel na may hawak-hawak na baging at palapit na sa kanila.
“Maawa po kayo,” sabi ni Iking nang talian na ni Samuel ang mga paa niya. “Para niyo nang awa! Wala kaming kasalanan sa inyo.” Umiyak na siya.
“Huwag kang gumanyan!” sabi ng pangatlong lalaki. Dumura siya sa batuhan. “Ano bang klaseng kamatayan ito? Wala man lang silbi!”
“Samuel,” sabi ni Istong nang tinatalian na ni Samuel ang mga paa niya, “hindi pa ako nagkasala mula nang ako’y ipanganak. Sabihin mo sana kung anong ibig sabihin ng pagpapatay sa akin.”
“Wala,” matabang na sagot ni Samuel. “Ngunit di ko makakalimutan ang ipinamalas mong lakas. Tatlong lalaki ang napatay ng baul na iyan bago nakarating sa lugar ninyo. Ano bang pangalan mo?”
“Cristino Sanchez.”
“Tapos na?” tanong ni Along. “Samuel, ikaw ang babaril sa pinakamatangkad.”
“Hindi!”
“Ikaw — 0 siya ang babaril sa iyo?”
Hindi nakaimik kaagad si Samuel. “Ako,” sabi rin pagkatapos.
“Celong… Polding…tig-isa kayo sa dalawa!”
Isang kabibe ang inilabas ni Along sa supot. Inilagay niya sa bato at hinintay niyang bumuka. Biglang bumukas ang nakatikom na bibig ng kabibe at biglang nagliwanag sa tabing ilog. Tinitigan ni Istong ang nakasisilaw na liwanag na galing sa kabibe hanggang lumuha siya. Hindi niya mamukhaan. Inilipat ang tingin kay Iking.
“Ano ang liwanag na iyan?” sabi niya.
“Ewan ko,” sabi ni Iking.
“Kapangyarihan ng impiyerno, puso ng diyablo,” sabi ng pangatlong lalaki.
“Maghanda na kayo!” utos ni Along sa tatlong babaril kina Istong.
Ganito ba ang mamatay? tanong ni Istong sa sarili niya. Wala man lang takot na iigpaw sa dibdib niya. Tinignan muli ang nakasisilaw na liwanag: hindi pa rin mamukhaan. Pumikit: ganito ba ang puso ng diyablo? Dumilat uli ngunit nasilaw pa rin. Pumikit na naman. At naalala niya ang nanang niya, ang tatang niya: hindi na sila magkikita. Ngunit hahanapin siya ni Tata Boni sa kabundukan at siya ang bubuhat sa katawan niya upang iakyat sa tuktok ng bundok na kanyang tahanan. Iiyakan kaya ng matanda? Naalala niya ang tahimik na kuweba: Anian!
Pumutok ang mga baril. Parang nabayo ang dibdib niya. Nagdilim sa paligid niya, dumilat siya, parang hasag na maubusan ng hangin ang liwanag mula sa kabibe, at namalayan niya ang malamig na tubig at ang matigas na bato sa likod niya. Humiyaw ang isip niya: DIYOS KO!
Naramdaman niya ang pagbukal ng mainit na dugo mula sa dibdib niya. Nabuwal sa pampang sina Iking at ang pangatlong lalaki.
“Tena!” sigaw ni Along sa mga kasama nang tumikom na ang kabibe. Ibinalik niya sa supot na balat at isinampay sa balikat.
Nag-unahang sumakay sa balsa ang mga tulisan.
Nadama ni Istong ang mabilis na paghugot sa kanyang buhay. Di niya magalaw ang mga kamay niyang nakadipa sa tubig. Pumikit saka dumilat. Namangha siya sa talim ng mga mata niya: kay daming bituwin. Parang naaabot niya ang humilig nang Kurkuros sa timog!
Isang tulisan ang dumaan sa kinabagsakan niya at sandaling huminto. Kumapa siya ng dalawang barya at inilagay sa nakatihayang palad ni Istong. “Pamasahe mong tumawid!” sabi niya. Tumakbo siya at lumundag sa tinitikinan nang balsa.
Naramdaman ni Istong ang dumapo sa palad niya. Tinikom ang mga daliri niya upang patunayan kung ano ito. Gusto sana niyang tingnan ngunit napakahigpit ng leeg niya. Sa halip, naangat niya sa bandang timog ng kalangitan: Ang Kurkurus! Ang Kurkurus! Humilig na! -30-
.
Notas:
1. naibiat — fast movement, as an arrow shot
2. pan-aw — kogon
3. basikaw — winding, as an intestine
4. lansad –bottom
5. bisil — pebble, gravel (maliit at makinis na bato)
6. laem — biggest part of the house, usually the living room
7. burangen — monkey-looking; very ugly
8. kakilingan –place of erect, slender and spineless bamboo
9. agpasurong — to go upstream
10. danapeg — sound of footsteps
11. tangig — pride, proud
12. wasnay — broad
13. binatak–hinatak
14. tinaraigid — to walk on edge or border
15. ungot — one-half of a coconut shell, polished and used for drinking
16. nangilgat — to make a slice, as from a piece of meat (humiwa)
17. Kurkurus–Southern Cross
.
First published in Iloko in Bannawag, April 19, 1965; included in Hidalgo’s Bituen Ti Rosales ken Dadduma Pay a Sarita (Star of Rosales and other Stories), c1969, Ilokano Publishing House, Quezon City.
.
Copyright 1965 Juan S. P. Hidalgo, Jr.
All rights reserved.





Click on the Image for Details