Pagkain ng mga Bathala (Taraon dagiti Didiosen)
November 27, 2008 by Juan SP Hidalgo, Jr. filed under Short Story | 1,160 viewsSalin mula sa Iloko ni Reynaldo A. Duque
NAGBALIK ang malay ni Lorenzo habang nakasandal siya sa malaking sopa sa madilim-dilim at may kaluwagang silid. Nakapangibit at nakapikit na hinaplos niya ang likod ng kanyang ulo na pinagmumulan ng kirot na parang sumisibak sa ulo niya. Naramdaman niyang nagkabukol ang bahaging iyon at parang nakapagkit ang mahaba niyang buhok. Dinama niya ang sugat ng bukol: basang-basa; at sa pagkiskis ng kanyang hinlalaki at hintuturo, alam niyang nagdurugo ang kanyang sugat. Dinama niya ang umaagos sa kanyang leeg at ang namuong buhok sa kanyang batok. Napamulagat siya at tumuwid sa pagkakaupo. Sinuri niya ang kanyang katawan, baka may sugat ito. Masakit ang kanyang dibdib, ang kaliwa niyang tagiliran, at ang kanyang sikmura. Kagagawan ng suntok ang mga ito. Sa maliit na liwanag na nagmumula sa bintana, nakita niyang duguan ang kanyang dibdib, ang manggas ng kanyang puting banlon, at ang kanyang mga balikat. Bigla siyang napatayo. Ang Inay! nasambit niyang nababahala. Ano ang ginawa sa kanya?
Inilibot niya ang paningin sa silid. Sa kinatatayuan niya, magkaharap ang dalawang malalaking sopang para sa apat at para sa dalawang katao; sa gitna ay isang pandak na mesitang kinapapatungan ng lumang magasin at komiks. Nasa kaharap niyang dinding ang bintanang yari sa wooden blind. Sa magkabilang bahagi ng bintana, nakasiki ang dulo ng magkapatong na teheras. May isang maliit na lababo sa paanan ng teheras. Naramdaman ni Lorenzo na nag-iisa siya sa silid.
Lumapit siya sa bintana. Sinubukan niyang itihaya ang mga patpat ng wooden blind ngunit nakapako ang mga ito. Sumilip siya sa labas. Mga graba ang nakalatag sa bakuran hanggang sa mataas na dinding ng kalapit na gusali. Maliwanag ang sikat ng araw at hindi pa mainit ang alimuom ng graba kaya alam ni Lorenzo na maaga pa. Nguni’t hindi niya alam kung saang lugar naroroon ang silid na kinakukulungan niya.
Tinalikuran niya ang bintana at saka nagmanman. Tahimik ang dinding sa kanyang kanan. Sa dingding sa kaliwa, may naririnig siyang tinig at kalatog ng mga pinggan at mga binubuhat na bagay. Malalakas ang tinig na nagmumula sa kaharap niyang dinding, sa malapit sa mga sopa, na natatakpan ng telon na halos tumalukbong sa kabuuan ng dinding.
Idinikit niya ang kanyang tainga sa dinding sa kaliwa. Parang malaking kusina ang pinagmumulan ng mga tinig mga lalaki at babaing tila nagluluto at naghahanda ng maraming pinggan. Nag-uusap at nagtatawanan ang mga ito habang sumisingit naman ang pagakpak ng palakol na lumalagapak sa pinuputol na buto.
“Pagbutihin mo ang pagrerekado, Tomas,” anang tinig-babae. “Madodoble ngayon ang dami nila. Baka hindi na sila magbalik sa darating na taon kapag hindi nila nagustuhan ang handa mo.”
“Kapag natikman nila ang pinakamasarap na karne sa ibabaw ng lupa, tandaan mo, maghahatak pa sila ng makakasama sa susunod na taon!”
“Ano’ng tawag mo sa iyong putahe, Tomas?” tanong ng tinig-lalaki.
“Pagkain ng mga bathala!”
Nagpatuloy uli ang pagakpak ng palakol sa buto. Ilalayo na sana ni Lorenzo ang kanyang tainga mula sa dinding nang makarinig siya ng malakas na tinig-babae.
“Huwag mong itapon iyan, Cardo. Hindi mo ba alam na puwede ring ipagbili iyan?”
“Ibigay mo na lang sa akin, Cardo,” sabi ng tinig-lalaki. “Kahit gamitin na lang ng misis ko. Pampakapal niya sa kanyang buhok kapag namamasyal kami.”
“Si Berto talaga! ‘Pag nalagas na ang buhok ni misis, ay, palitan mo na ng iba! Ang dami rito!”
Naghalakhakan ang mga nasa kusina.
Huminga ng malalim si Lorenzo at saka marahang lumapit sa malapad na telang tumetelon sa dinding. Nagmumula ang mga tinig sa dalawang dangkal ang laki at isang dipa ang taas na siwang sa pinagtagpuan ng dinding at ng kisame. Sa ibaba ng siwang nakabitin ang telon. Naririnig niya ang tinig ng mga lalaki at mga babae, ang kalatog ng mga pinggan, at kaluskos ng mga hinihila at inilalapag na bagay. Marahan niyang hinawi ang kaliwang dulo ng kurtina upang tingnan kung mayroon siyang sisilipan doon. Nagulat siya nang makita ang mahigit na isang dipang bintanang salamin na kinakikitaan ng nasa labas. Silid pala ng isang malaking restawran ang kinaroroonan niya. Abalang-abala ang mga weytres sa pag-aayos ng mga mesa at silya sa maluwag na kainan. May isang malaki at mahabang mesa na tila gasuklay na buwan ang hugis na nakapagitna sa kainan. Malaking piging ang pinaghahandaan nila. Nakalapat ang malaking pintuan ng restawran at naisip ni Lorenzo na inarkila ng may papiging ang restawran sa araw na iyon.
Umalis siya sa bintanang salamin. Nakita niya ang seradura ng pinto sa dinding sa kanan. Nilapitan niya ito at saka nakiramdam. May nagmamakinilya sa loob. Di kaginsa-ginsa ay tumunog ang telepono. Hinawakan niya ang seradura saka hinila. Nakasusi iyon. Muli niya itong pinihit saka hinila. Ayaw pa aring mabuksan. Tumigil ang takatak ng makinilya.
Bigla, nagbukas ang pinto sa dinding sa kaliwa, lumagitik ang swits at nagsindi ang flourescent lamp sa kisame. Dalawang lalaki ang sabay na pumasok sa silid. Maglilimampu’t limang taong gulang ang mas pandak at mas payat na lalaki, nakabarong at may salamin sa mata. Medyo manipis na ang buhok nito at waring pinipitpit ang mukha gayong matangos ang waring tumutukang ilong at maninipis ang hatak na labi. Kataliwas nito ang kasamang lalaki, na kahit nakabarong at mamahalin ang suot na pantalon at sapatos, ay hindi naitago ang may pagkatimawang anyo.
Inilapat ng matangkad na lalaki ang pintuan. Nakita ni Lorenzo ang malaking kusina ng restawran at saglit niyang naamoy ang masarap ng bango ng nilulutong putahe na pumasok sa silid na kinaroroonan niya.
“Nagkamalay ka na pala,” parang walang ano mang sinabi ng lalaking payat. Iginala nito ang paningin sa silid na waring gustong siguruhin na walang nagalaw sa mga kasangkapan doon.
“Hindi ka makalalabas dito hangga’t hindi natatapos ang piging.”
Nilapitan ni Lorenzo ang matanda. Huminto siya ng dalawang dipa nang balak siyang salubungin ng matipunong lalaki.
“Mag-iingat ka, bata,” sabi ng badigard. “Huwag kang padalus-dalos kung ayaw mong masaktan.”
“Saan n’yo dinala ang Inay ko?” sabi ni Lorenzo. “Anong ginawa ninyo sa kanya?”
“Malalaman mo rin,” parang walang ano mang sinabi ng matanda.
“Gusto ko nang malaman ngayon!” Kumuyom ang mga kamao ni Lorenzo. “Bakit n’yo kami ginaganito? Anong kasalanan namin sa inyo? Bakit ninyo ako dinala rito? Ano ang kailangan ninyo sa amin? Nasaan ang Inay ko? Ano ang ginawa n’yo sa kanya?”
Tumigas ang mukha ng payat na lalaki at kumislap ang salamin ng mata nito nang humarap kay Lorenzo. Luwa ang malalaki at maitim na mata nito sa likod ng salamin.
“Huwag mo akong sisigawan,” sabi ng payat na lalaki sa nagtitimping tinig. “Magpakahinahon ka. Masama akong magalit. Kung magpapakabait ka hanggang sa matapos ang piging ay hindi ka maaano rito.”
“Pero ano ang kasalanan naming mag-ina at ginaganito ninyo kami?” sabi ni Lorenzo at hinaplos niya uli ang dugong umaagos sa kanyang batok. Dumukot siya sa kanyang bulsa ngunit wala siyang maapuhap na panyo. Ngayon lamang niya natuklasan na kinuha palang lahat ang laman ng kanyang bulsa, pati ang kanyang relo at sinturon. Ipinahid niya ang dugo sa likod ng kanyang pantalon.
“Wala kayong kasalanang mag-ina,” sabi uli ng lalaking may salamin sa mata. “Walang nangyari sa iyong Inay kaya tumigil ka na sana. Magkikita rin kayo pagkatapos ng piging.”
“Nasaan siya ngayon?” tanong ni Lorenzo.
Nilapitan ng payat na lalaki ang telon sa dinding at saka hinila ang dalawang lubid at nahati ang telon sa pagbukas. Malapit nang maayos ang lahat na mesa at silya sa kainan. Nakabukas na ang pintuan at pumapasok ang mga kasapi ng tanyag na banda ng musika na dala-dala ang kanilang mga instrumentong gagamitin sa pagtugtog.
“Nakikita mo ba ‘yong bintanang may salamin sa tapat natin sa kabila?”sabi ng payat na lalaki. “Naroon ang Inay mo. Nakatingin din diyan sa kainan. Hindi mo makita ang loob niyon dahil ibang uri ng salamin ito. Nakikita mo sila sa labas pero hindi ka nila nakikita rito sa loob.”
“Ngunit bakit ninyo kami dinala rito?” sabi ni Lorenzo uli.
“Manood ka rito. Makikita mo ang sagot ng tanong mo,” sabi ng payat na lalaki. Tiningnan nito ang orasan sa galanggalangan. “Malapit na silang dumating,” sabi nito. Hinarap si Lorenzo. “Huwag kang lilikha ng ano mang gulo habang nanonood ka rito. Piging iyan ng mga mararangal na tao.”
Magkasunod na lumabas ang dalawa sa kaliwang pinto ng silid. Nasulyapan uli ni Lorenzo ang loob ng malaking kusina at nalanghap niya ang masarap na amoy ng niluluto. Lumapat ang pintuan. Ilang sandali pa, nakita na niya ang dalawa sa kainan. Nag-order ang payat na lalaki sa mga nagsisilbi bago nagtungo ito sa silid na kalapit ng kinaroroonan niya, kasama ang badigard.
Isa-isang sinipat ni Lorenzo ang mga serbidora, baka sakaling may kakilala siya sa mga ito. Nang wala siyang makitang kakilala ay nanlalambot siyang umupo sa sopang nakaharap sa bintanang salamin. Minanmanan niya ang mga nasa restawran habang naririnig na niyang muli ang takatak ng makinilya at ang tunog ng telepono sa silid sa kanan at ang halakhak at malakas na usapan ng mga nasa kusina. Pinagmasdan niya ang bintanang may salamin na kaharap niya sa kabila ng kainan. Totoo kayang nariyan ang kanyang Inay?
Ngunit bakit sila dinalang mag-ina rito upang panoorin ang marangyang piging ng mga kinikilalang tao? Ano ang halaga nito sa kanilang mag-ina kahit makita man nila ang piging na ito?
Pumipintig na naman ang sugat sa kanyang ulo. Waring nanunuot ang kirot sa kanyang utak. Pumikit siya at saka huminga ng malalim at matagal na para bang iyon ang magpapahupa sa nararamdaman niyang kirot. Masakit din ang kanyang dibdib at ang kanyang tagiliran at ang kanyang sikmura na pinagsusuntok ng tatlong lalaking bumugbog sa kanya nang tangkain niyang ipagsanggalang ang kanyang Inay nang sunggaban at pilit na isakay ito sa itim na kotseng sumulpot mula sa kanilang likuran. Nalugmok siya nang paluin ng mga ito ang kanyang ulo. Hindi niya mawatasan kung bakit isinama pa siya rito gayong ang kanyang ina lamang ang pakay ng mga ito. Hinimas niya ang kanyang dibdib. Dumukot siya sa kanyang bulsa nang maramdaman ang agos ng dugo sa kanyang batok. Ngunit nalimutan niyang kinuha pala ang kanyang panyo.
Tumayo siya at hinubad ang kanyang banlon at kamesita. Binasa niya ang kamesita sa lababo at saka niya pinunasan ang kanyang mukha at leeg at ang natuyo nang dugo sa paligid ng sugat at ng kanyang batok. Pagkatapos niyang mapunasan ang kanyang katawan at mga braso, isinuot niyang muli ang kanyang banlon at saka umupo sa sopa na nakaharap sa bintanang salamin.
Ilang sandali pa, nagdatingan na ang mga panauhin sa piging. Sinalubong ang mga ito ng payat na lalaki at ng badigard nito, at apat pang ibang lalaki. Nang lumaon, nagtungo ang payat na lalaki sa kinaroroonan ng mikropono sa tabi ng banda at ipinagbigay-alam ang pangalan ng mga dumarating. Nagpalakpakan ang mga nakaupong panauhin. Madalas na salubungin ng tugtog at ng malakas na palakpakan ang mga matataas na opisyal at banyaga at negosyanteng pumapasok. Ang matataas na opisyal, mga tinitingala sa lipunan at mga panauhing banyaga ang umokupa sa mesang tila hinating buwan. Sa magkabila at likuran ng mga ito ay nakaupo ang mga mas mababa ang kalagayan at katanyagan. Napuno na ang mga silya at mesa nang mag-alas diyes medya. Inilapat ang pintuan ng restawran at nagsimula na ang programa. Ipinasok sa kainan ang mga inumin at pulutan.
Naisip ni Lorenzo na nasa kainan na ang halos lahat ng mga tanyag na taong nababasa niya at nakikita sa mga pahayagan, magasin at aklat. Naalaala niya ang sinabi ng payat na lalaki na piging ito ng mga kinikilala. Habang ipinakikilala ng payat na lalaki ang pangalan at posisyon, propesyon at kabuhayan ng panauhin, naisip ni Lorenzo na natipun-tipon na rito ang mga taong kabilang sa lahat ng uri ng propesyon. Karamihan sa mga ito ay nakaamerikana at nakabarong. Nakauniporme rin ang mga sundalo, piloto, marino at pulis.
Binati ng payat na lalaki ang mga panauhin. Hinangaan ang mga nagawa na ng mga ito. Sa bandang huli, ipinakilala ang mga bagong kasapi ng grupo. Nagtalumpati ang isang senador, isang gobernador, isang diputado, isang mayor at isang kapitan ng isang nayon. Maigsi lamang ang talumpati ng mga ito. Panay pagpapaunlad sa bansa ang binabanggit. Nagpalakpakan ang mga panauhin. “Mananalo ka uli sa eleksyon! Tutulungan ka naming manalo!” sabi ng mga ito.
Alas onse media nang matapos ang talumpati ng mga pulitiko.
“Ilabas n’yo na ang alak ng mga bathala!” utos ng payat na lalaki sa mga weytres. “Magpagana kayo sa pagkain, mga kapatid! Alalahanin ninyong taun-taong espesyal na putahe ang inihahanda para lamang sa mga bathalang katulad ninyo!”
Nagpalakpakan ang mga panauhin.
Nang maipamahagi ang masasarap at matatapang na alak ay isang malanding tugtog ang ipinarinig ng banda. Namatay ang maliliwanag na ilaw at ang mga malamlam lamang ang natira. Sinindihan ang maliit na spotlight sa kaliwang sulok at natutok ito sa pintuan ng opisina ng payat na lalaki. Isang nakatutuksong mananayaw ang lumabas mula sa pintuan. Nagpalakpakan ang mga panauhin. Higit na sumigabo ang palakpakan ng mga ito nang magsimulang umindak ang mananayaw sa maharot na tugtog. Unti-unting pumagitna ang mananayaw sa harapan ng mesang tila hinating buwan. Sa lalong pagharot ng tugtog ay lalo ring naging malandi ang pagsasayaw ng babae hanggang sa magsigawan ang mga lalaki sa labis na kaligayahan. Sumilbato ang pulis at nagtawanan ang mga ito. Bigla, namatay ang spotlight at ang malamlam na ilaw at naghari ang dilim. Nang magsinding muli ang maliliwanag na ilaw, wala na ang mananayaw gayong patuloy pa rin ang maharot na tugtog. Nagtawanan ang mga panauhin.
“Huwag kayong mag-alala, mga kapatid,” sabi ng payat na lalaki na nasa kinaroroonan muli ng mikropono. “Marami kayong mapapanood sa araw na ito.”
Lumuwag ang mga panga ni Lorenzo. Malakas pa rin ang pagtibok ng kanyang dibdib. Para siyang lalagnatin. Pumikit siya pagkaupo.
“Masarap, ano?” may nagsalita sa kanyang likuran.
Nilingon ni Lorenzo ang lalaking nakangisi. Isa ito sa mga kusinero na ipinahihiwatig ng suot nito. May dala itong nakabandehadong minindal at pampalamig.
“Padala ni Boss para sa iyo,” sabi ng lalaki. Inilapag nito ang dala sa pandak na mesang nasa harap ni Lorenzo. “Ayaw niyang nanonood ka sa mga nagkakasayahan diyan na wala kang makakain.”
Tumayo si Lorenzo. “Manong, anong oras ba matatapos ang piging?” tanong niya.
“Alas tres. Taun-taong ganyan.”
“Gusto kong makita ang Inay ko. Nariyan daw sa bintanang kaharap natin. Babayaran kita sa gusto mo basta makita ko lang siya.”
Umiling ang lalaki. “Hindi ko magagawa iyan,” sabi nito. “Mahigpit ang bilin ng amo namin na huwag naming ipakikita sa iyo ang Inay mo hangga’t hindi natatapos ang piging.”
“Bakit, anong nangyari sa kanya?”
Hindi mawatasan ni Lorenzo ang ngiti ng lalaking nakatitig sa kanya.
“‘Yan din ang itinatanong ng Inay mo riyan,” sabi nito.
Narinig nila ang muling pagtugtog ng banda. Muling namatay ang mga ilaw at nagsindi ang spotlight sa sulok. Dalawang mananayaw ang lumabas mula sa silid ng payat na lalaki. Nagpalakpakan ang mga panauhin. Sumipol ang iba.
“Hindi mo ba alam na taun-taon nagpipiging ang mga taong iyan dito?” sabi ng lalaki. “Taun-taon din silang kumukuha ng mga saksi, tulad ninyong mag-ina.”
Pumagitna ang mga mananayaw sa harapan ng mesang tila buwang hugis-suklay. Umiigkas ang mga puwit ng mga ito na sinasabayan ng pag-igpaw ng mahahabang buhok. Bumilis ang tugtog, naging maharot ang pag-indak ng mga mananayaw at nang patapos na ang tugtog ay biglang namatay ang spotlight. Naghiyawan ang mga nanonood. Nasindihan ang mga maliwanag na ilaw. Wala na ang mga mananayaw.
Tumawa ang lalaking kasama ni Lorenzo.
“Hala, magpakasarap ka sa panonood at ipagpatuloy ko ang ginagawa ko,” sabi nito at tinungo ang pintuan.
“Walang kuwenta sa akin ang mga iyan,” sinundan ni Lorenzo ang lalaki hanggang sa pintuan. Hinawakan niya ang isang braso nito. “Tulungan mo kaming tumakas dito, Manong,” pakiusap niya. “Babayaran kita ng gusto mo.”
Bumungisngis ang lalaki. “Magkano?” nanunukat ang mga mata nito.
“Kung magkano ang tinataya mong dapat bilang katumbas ng gagawin mo.”
Umiling ang lalaki. “Buhay ko ang katumbas ng hinihingi mo,” sabi nito. “Bayad na ang serbisyo ko para sa taong ito.”
Binuksan ng lalaki ang pintuan. Muling nakita ni Lorenzo ang kusina, ang mabangong niluluto, at ang mga kusinero at kusinera. Isinara ng lalaki ang pintuan. Pinihit ni Lorenzo ang pintuan. Nakasusi ito.
Nanlalambot siyang nagbalik sa sopa na nakaharap sa bintanang salamin. Hindi niya hinipo ang minindal at pampalamig.
Isa-isa niyang pinagmasdan ang mga nakaupo sa mesang tila buwang hugis-suklay. Iisa ang itim sa mga ito, medyo kulot at ito ang pinakapandak. Ngunit kumikinang ang mga gintong hilatsang nakaburda sa manilaw-dilaw na barong Tagalog nito, kumikinang ang mga gintong ngipin tulad ng pagkinang ng mga singsing at gintong relo nito. Isa rin itong bathala, tulad ng mga Insik at mestisong Insik, Kastila at mestisong Kastila, Amerikano at mestisong Amerikano, Hapones at mestisong Hapones, Aleman at mestisong Aleman, Bombay at mestisong Bombay, at iba pang mestiso sa lahing banyaga na dumaong sa Pilipinas na nagpunla ng binhi at umunlad: naritong lahat ang mga ito, hindi lamang sa hugis-suklay na mesa kundi nakakalat sa iba’t ibang silya at mesa. Mga bathala lahat ang mga ito, alam ni Lorenzo: ang mga dinadakilang tao na nagpapakilos sa mga natutulog na ugat ng bansa upang umunlad, na ipinamamalas ng mga pahayagang naglalarawan sa malalaking gusali na pag-aari ng mga ito at pinagkakikitaan at iba pang mga proyektong nagpayabang sa papawiran ng Pilipinas at humukay sa mga mina sa mga bundok at nagbaba ng mga troso mula sa kagubatan at nagtayo ng dam sa mga ilog. Ang mga ito ang naglusong sa malalaking barko na humiwa sa malalawak na dagat, ang tumulay sa mga pulo ng Pilipinas at sa mga banyagang bansa; ang mga ito ang bathalang nagpalipad ng mabilis na eroplano na dumipa sa daigdig at dumangkal sa oras.
Ngunit walang halaga ang mga ito kay Lorenzo. Wala siyang pakialam sa kasanayan o kaunlaran o balak ng mga ito sa buhay. Ang kanyang Inay ang iniisip niya, kung paano sila makaalis sa lugar na ito na unti-unting naglalarawan ng unti-unting pagkakaagnas ng laman at ng kaluluwa.
Muling tumugtog ang banda. Dalawampung mananayaw ang sunud-sunod na lumabas sa silid ng payat na lalaki at saka pumagitna sa harapan ng mesang hugis suklay. Humarot nang humarot ang kanilang pagsasayaw, naghiyawan ang mga lalaki, naghalakhakan ang mga mananayaw at tinungo ang mga mesa at saka hinila ang makakapareha. At lalong lumakas ang hiyaw ng mga nanonood nang simulan ng mga pareha na indakin ang maharot na tugtog.
Biglang namatay ang mga ilaw, nagpatuloy ang tugtog, humagikhik ang mga mananayaw, humiyaw at saka naghalakhakan ang mga kapareha ng mga ito, sumigaw ang mga nanonood, isinigaw ang “Ilaw! Ilaw!” at nang biglang magsindi ang spotlight, natutok ito sa pintuan ng silid ng payat na lalaki, lumabas ang dalawampu pang mananayaw na unti-unting pumagitna sa mesang hugis-suklay. Wala na ang magkakapareha. Nasa upuan na ang mga lalaking hinila ng mga mananayaw, gayon na lamang ang halakhakan ng mga ito habang nagyayapusan at naghahalikan at nag-iinuman.
Tulad ng nauna, nang mangibabaw ang harot ng tugtog at kalandian ng sayaw, ay nagtakbuhan ang mga mananayaw na humila ng lalaking makakapareha at saka ipagpatuloy ang pagsasayaw. Nagpalakpakan ang mga nanonood, isinigaw ang mga ito ang: “Patayin ang ilaw! Patayin ang ilaw!” At namatay ang spotlight, naghiyawan ang mga mananayaw at naghalakhakan ang mga kapareha ng mga ito. Nang muling magkailaw, kandung-kandong na ang mga mananayaw ng mga lalaki.
Napanganga si Lorenzo. Biglang nagbago ang larawan ng mga panauhin. Waring biglang sumubo ang damdaming-hayop sa maginoong hitsura ng mga ito at saka dumilim ang magagarang suot. Sa isang iglap, natuklasan ni Lorenzo na balatkayo ang nakasaklob sa mukha ng mga nasa mesa. Narinig niya ang sigaw at tawang tila gumising sa kanya sa mga alaala ng mga pangyayari sa dahon ng mga kasaysayan ng mga bansa sa daigdig. Iyon at iyon pa rin, nawika niya; hindi nagbabago: pagkakamali na hanggang ngayon ay paulit-ulit at hindi pa naaayos.
“Ilabas ninyo ang alak ng mga bathala!” sabi ng payat na lalaki sa mga serbidora. “Ilabas ninyo ang pinakamatamis at pinakamatapang na alak ng mga bathala!”
Nagpalakpakan ang mga panauhin. Lasing na ang karamihan sa kanila. Isinigaw nila ang pagpapalabas ng mga mananayaw at ang hindi pagtigil ng banda sa pagtugtog. Namatay uli ang mga ilaw pagkaraang maihain ang mga alak. Tumugtog uli ng maharot ang banda at natuon ang spotlight sa pintuan ng opisina ng payat na lalaki. Tatlumpung magagandang mananayaw ang lumabas. Kapapagitna pa lamang ng mga ito sa harapan ng tila suklay na mesa nang tatlumpung lalaki rin ang nag-uunahang yumakap sa mga ito at saka sinimulan ang mahalay na pagsasayaw na unti-unting hinuhubaran ng mga mananayaw ang mga kapareha ng mga ito. Lalong lumakas ang paghiyaw ng mga nanonood nang iisang saplot na lamang ang natitira sa katawan ng mga lalaki. Nang akmang aalisin iyon ng mga mananayaw, biglang namatay ang spotlight. Naghiyawan uli ang mga nanonood. Nang magsindi uli ang mga ilaw, wala na ang mga mananayaw sa harapan ng tila suklay na mesa. Agad-agad na idinaan ang liwanag sa mga silya at mesa at nakita ni Lorenzo ang mga nagyayapusan at naghahalikan at nag-iinumang magkakapareha sa upuan ng mga ito.
Nagpatuloy ang maharot na tugtog. Muling nagtungo ang payat na lalaki sa kinaroroonan ng mikropono at saka nagsalita: “Maghanda na kayo, mga pinagpipitagang bathala sa mesa! Para sa inyo ang mga susunod na mananayaw! Arya, maestro!”
Nagpalakpakan ang mga panauhin habang nakatutok ang mga mata ng mga ito sa pintuan ng silid na kinatutokan ng spotlight. Bumukas ang kurtina at lumabas ang mga mananayaw. Tumayo ang mga lalaking nasa tila suklay na mesa. Naging malandi ang pagsasayaw ng mga babae. Nang hindi na masupil pa ng mga lalaki ang damdamin, nag-unahan na ang mga ito na yumapos sa mga napili nila at saka isinama sa mga upuan.
Nagpatuloy ang tugtog. Nasindihan ang mga maliwanag na ilaw. Nagsalita ang payat na lalaki. “Ihain na ninyo ang pagkain ng mga bathala!”
Nabuksan ang pintuan ng kusina at sunud-sunod na lumabas ang mga serbidorang may dalang malalaking bandehado na naglalaman ng umuusok na mabangong pagkain. Nagpalakpakan ang mga panauhin.
Nabuksan ang pintuan ng silid na kinaroroonan ni Lorenzo at pumasok ang isang kusinerong may dalang pagkaing nasa bandehado.
“A, magpapasasa ka rin sa pagkain,” sabi ng lalaki at kinuha ng minindal na hindi ginalaw ni Lorenzo.
Sinukat ni Lorenzo ang lalaki. Nang yumuko ang lalaki upang ilapag ang bandehado sa pandak na mesa ay ubus-lakas na tinaga ni Lorenzo ng gilid ng kanyang palad ang ulo nito. Napasigaw ang lalaki, napasandal sa malaking sopa, sapo ang ulo, ngunit hindi nawalan ng malay. Sinipa ni Lorenzo ang mukha nito. Sinalo ng lalaki ang kanyang paa saka hinaltak. Bumagsak si Lorenzo sa lapag. Dinukwang siya ng lalaki, kinubabawan at saka pinagsusuntok. Ngunit sinakal ni Lorenzo ang lalaki nang buong lakas. Umungol ang lalaki, tumayo at nabitiwan ni Lorenzo. Nagbigwasan sila, nagpambuno at nang bumagsak silang muli sa lapag ay naramdaman ni Lorenzo na may pumulupot sa kanyang leeg. Mahabang buhok!
“Papatayin kita ngayon, sal-itka!” tiim-bagang na wika ng lalaki.
Napahindik si Lorenzo, nag-uslian ang mga ugat sa kanyang leeg, ulo at mukha. Nadakma niya ang singit ng lalaki at buong lakas niyang piniga. Napahiyaw ang lalaki. Pumulandit ang dugong tumama sa sikmura at hita nito. Unti-unting lumuwag ang buhok na nakapulupot sa leeg ni Lorenzo. Bumangon siya at humihingal na pinagmasdan ang namimilipit na lalaking hindi niya maintindihan ang sinasabi.
Nakita niya ang buhok na ginamit ng lalaki. Napamulagat siya nang makilala ang suklay sa puno ng tinirintas na buhok. Dinampot niya ang buhok at ang suklay.
“Ang suklay ni Inay!” bulalas niya. Dinuwang niya ang lalaki at kinuyumos ang dibdib nito. “Ano’ng nangyari sa aking ina? Magsalita ka!”
Hindi sumagot ang lalaki. Waring gustong umalpas ng mga mata nitong nakamulagat kay Lorenzo.
“Sagutin mo ako!” Niyugyog ni Lorenzo ang balikat ng lalaki. “Sagutin mo ako!”
Tumakbo si Lorenzo at ibinukas ang pintuan ng kusina. Sa bigla niyang pagsulpot na duguan, nagtilian ang mga babae. Nag-unahan ang mga lalaki sa pagsagupa sa kanya. Nilundag ni Loranzo ang kahoy sa malapit na sinlaki ng braso. Napaurong ang mga lalaki sa takot.
“Anong ginawa n’yo sa Inay ko?” sigaw niya habang ipinakikita ang suklay at ang buhok. “Pinatay ninyo siya! Pinatay ninyo!”
Dinaluhong niya ang pinakamalapit na lalaki at saka hinataw ito sa balikat at sa mukha. Nagtakbuhan at nagtilian ang mga babae na lumabas sa kusina patungo sa kainan. Hinabol ni Lorenzo ang lalaking huling lumabas. Tinungo ng lalaki ang mesang tila suklay.
Nagulat ang mga panauhin. Saka lamang kumilos ang mga ito nang lumundag si Lorenzo sa mesa at saka pinaghahataw ang mga lalaki at babae rito. Ibinuwal niya ang mga nakahaing pagkain at alak. Nagtakbuhang lumayo ang iba ngunit lumusob ang ilang matatapang na kalalakihan. Dinukwang ng mga ito si Lorenzo: hindi ininda ng mga ito ang malalakas niyang hataw, at nang mahawakan siya ay nag-unahan na ang mga ito sa pagsipa at pagbugbog sa kanya.
NAGBALIK ang ulirat ni Lorenzo. Waring hinihimay ang kanyang mga laman sa matinding kirot. Tila naglalagablab ang lahat ng parte ng kanyang katawan. Matapang ang nakasusulasok na amoy sa kinahihigaan niya. Kumilos siya. Umungol. Hindi niya kayang tumayong mag-isa. Nagulat siya nang hindi niya halos maimulat ang mga mata niya.
Gabi na ngunit maraming bituin sa madilim na langit.
“Bumangon ka,” sabi ng tinig-lalaki.
Ibinaling ni Lorenzo ang kanyang ulo sa kanan at nakita niya ang matangkad at matipunong lalaking nakabalanggot.
Kumilos si Lorenzo ngunit halos hindi niya maitaas ang kanyang mga braso. Yumuko ang lalaki, inabot ang kamay ni Lorenzo at saka siya hinatak. Napaungol si Lorenzo nang makatayo. Nagsalubong ang kanilang paningin sa karimlan. Malalaki at malalalim ang matang iyon, matangos ang ilong at tikom ang mga bibig at lalaking-lalaki ang panga.
“Kaya mo’ng lumakad?”
“Kaya ko,” sagot ni Lorenzo sa nanghihinang tinig. Umunat siya sa pagkakatindig. “Nasaan ba ako? Bakit ako narito?”
“Nakita kong inihulog ka mula sa isang itim na kotse. Akala ko’y inutas ka na nila.”
Kumuyom ang mga kamao ni Lorenzo nang maalaala ang nangyari sa kanila ng kanyang ina.
“Ang Inay ko!” umiyak siya.
“Tena sa bahay .” sabi ng lalaki. “Ikuwento mo ang nangyari sa inyong mag-ina upang malaman ko kung paano ka matutulungan.”
Lumakad sila.
“Naglalakad kami ng Inay mula sa simbahan, maagang-maaga pa, nang biglang sunggaban ang Inay at saka pinilit na isakay sa itim na kotse .” simula ni Lorenzo.
Hindi nagtagal, pumapasok na sila sa hulo. Sa pinakamalaking bahay sa purok, nanawagan ang lalaking kasama ni Lorenzo. Nagbukas ang pintuan sa silong ng bahay at isang lalaki ang nagpatuloy sa kanila.
“May bago tayong kasama,” pagbibigay-alam ng lalaki sa mga naratnan nilang kalalakihan gumagawa at naglilinis ng iba’t ibang sandata. Maraming sandata ang nakasandal sa mga dinding. Ilang nakakahong pulbura at bala ang nakasalansan sa isang sulok. Gawaan ng baril ang bahay na ito.
Napatango ang mga lalaking nakatingin kay Lorenzo. Walang nagulat sa mga ito sa hitsura niya. Waring karaniwang tanawin na ito sa kanila.
“Tulad mo ring nagdanas ng hirap ang mga ito sa kamay ng mga taong binabathala,” sabi ng lalaking kasama ni Lorenzo. “Nakikita mo ang mga armas? Magagamit na ang mga iyan, hindi magtatagal. Kapag hindi nagbago ang kalagayan ng bansa, sasabog ang rebolusyon.”
Waring napalis ang kirot sa katawan ni Lorenzo. Hindi niya akalaing marami ang mga katulad niyang nilalapastangan ng mga bathala. Hindi siya nag-iisa. May kasama na siyang maghihiganti!
Tinapik ng matangkad at matipunong lalaki ang kanyang balikat. Nakangiti itong napatitig sa kanya. “Magpalista ka kay Rimando,” itinuro nito ang lalaking nasa likuran ng maliit na mesang nasa isang sulok.
Tumayo si Lorenzo sa tapat ng mesa ni Rimando. Medyo matagal silang nagtitigan bago niyukuan ni Rimando ang makapal na aklat. “Ano ang buo mong pangalan?” tanong nito.
“Lorenzo Sanchez Lazaro.”
“Ang Inay mo?”
“Filipinas Lazaro.”
—————
Kurditan: Mga Kuwentong Iluko, inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado at Hermilinda T. Lingbaoan. GUMIL Metro Manila, Makati, Metro Manila. c.1988. Pp. 129-144.
Ang “Pagkain Ng Mga Bathala” (Taraon Dagiti Didiosen) ay unang nalathala sa Iloko sa magasing Bannawag, sa mga isyung Oktubre 21-28, 1969, pahina 3-5, at saka isinama sa kalipunan ng maiikling kuwento ng may-akda, Bituen Ti Rosales Ken Dadduma Pay A Sarita, Ilokano Publishing House, Quezon City. c1969. Pp. 195-208. Isinalin din sa Ilonggo ni Gaudencio J. Goles at inilathala sa Hiligaynon sa mga isyung Abril 8-15, 1992, no. 4-5, vol. 36, sa pamagat na Pagkaon Sang Mga Bathala (Food of the Demigods).
Published with permission from the author.





Tito Laya Nisperos Jr.
Ito ang Maikling Kuwentong hindi ko makalimutan mula noong mabasa ko noong mga 1960’s. Hindi pangkaraniawan ang Tema nito na umaayon sa “naghihimagsik” kong damdamin noong mga panahong iyon ng aking kabataan! From time to time, naala-ala ko at gustong mabasa uli. Wow, Salamat naman at nandito uli–maganda rin ang pagkakasalin sa Tagalog.
November 30th, 2008 at 12:18 amstern57
hi,manong Tito,how are you?
ading Sherma i was here…
December 4th, 2008 at 6:52 amSherma E. Benosa
Hello Manong Tito. Wen, napintas a Talaga daytoy a sarita.
Ngem latelyk laeng a nabasa. Waaa!
Hey, Manang Aymee! Kumustan, Manang? Utangko pay laeng diay emailko kaniam wen? Agsungbatak la biit ditoy BP.
Napanak ngamin nagpasali-sali idiay N.V. Hehehe. Lam-eknadiay, yong!
December 4th, 2008 at 4:38 pmTito Laya Nisperos Jr.
Hi Imelda. sika met gayam dayta! Kumusta ka met a kas ket Sherma? No siak a ket pakastoy kastoy lattan! Wen, magustuak unay dagitoy sarita a mysterioso nga adda kicker na diay udi!
December 4th, 2008 at 9:22 pm